MANILA, Philippines – Tutol si House Majority leader Neptali Gonzales na maimbestigahan sa ethics committee ng Kamara ang Makabayan bloc na nagprotesta sa plenaryo matapos ang SONA ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Gonzales, mas mabuting ituon na lamang ng Kamara ang kanilang panahon sa mga prayoridad na inilatag nina Pangulong Aquino at Speaker Feliciano Belmonte.
Kakaunti na lamang umano ang natitirang panahon ng 16th Congress at hindi ito ang tamang panahon para magkaroon pa ng hidwaan ang mga kongresista.
Nilinaw naman ni Gonzales na nirerespeto niya ang pagpapahayag ng Makabayan bloc ng kanilang hinaing subalit mas mabuting ginawa na lamang ang protesta sa labas ng Kamara lalo pa at hindi ordinaryong sesyon ang nangyari kundi SONA ng Presidente.
Bagamat nagpaalam umano ang Makabayan bloc na tatayo ang mga ito at maglaladlad ng panyo ay hindi naman alam ng Majority leader na banner pala na may nakasulat na pagkondena sa Pangulo ang ilalabas ng mga ito.
Ang pahayag ng lider ay bunsod sa pagnanais ni Quezon City Rep. Winston Castelo na paimbestigahan sa ethics committee ang Makabayan bloc dahil sa umano’y pambabastos sa SONA ng Pangulo.