MANILA, Philippines – Isang malaking tagumpay ang daang matuwid ni Pangulong Aquino na naging gabay na patakaran para sa good governance ng administrasyon.
Ito ang ipinagmalaki ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. sa pagbubukas ng 3rd regular session ng Kamara na dinaluhan ng 246 na mga kongresista. Ito rin anya ang naging gabay ng Kamara sa pagpapatibay ng mga batas para sa kapakanan ng publiko partikular ang para sa pagtulong sa mahihirap, edukasyon, paglikha ng hanapbuhay at pagtatanggol sa integridad ng teritoryo ng bansa.
Sinabi pa ni Speaker na nagawa nilang itulak ang mga landmark bill katulad ng kumpensasyon para sa mga biktima ng martial law, paghihigpit sa mga GOCC dahilan para magawa ng mga ito na makapag remit ng 32.2 bilyon na dibidendo sa National Treasure noong nakaraang taon.
Gayundin ang tax sin law na nagresulta sa pagbaba ng smoking incidence sa class E o mahihirap na mga Pilipino sa 25% mula sa dating 38% at sa hanay ng kabataan sa 18% mula sa dating 35%.
Sa kabila ng marami ng naipasang batas, hinikayat ni Belmonte ang mga kapwa kongresista na magdoble sipag pa ngayong nasa dulo na sila ng tatlong taon nilang termino dahil marami pang kailangang gawin bago magdesisyon muli ang mga Pilipino sa kung sino ang nararapat na susunod na mamuno sa bansa.
Nakiusap din si Belmonte sa Senado na pagtibayin agad ang counterpart bill ng Archipelagic sealanes act na naipasa na ng Kamara para higit na maproteksyunan ang teritoryo ng bansa na nasa Exclusive Economic Zone sa West Philippine Sea.