MANILA, Philippines – Pinakakasuhan ng murder ng Senado ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) dahil sa pagkamatay ng 44 members ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano incident, ayon sa committee report ng Senado.
Sinabi ni Sen. Grace Poe, chairman ng senate committee on public order and dangerous drugs committee, sa committee report ay lumitaw na mayroong pananagutan ang MILF at BIFF sa pagkamatay ng SAF 44 dahil sila mismo ang nagpaputok ng baril sa mga elite force ng isilbi ng mga ito ang arrest warrant laban kay Marwan noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
Wika pa ni Sen. Poe, mayroong criminal liability ang MILF at BIFF dahil sila mismo ang bumaril sa mga SAF troopers at hindi naniniwala ang mambabatas na engkwentro ito kundi massacre.
Naniniwala din si Poe na mayroong pananagutan din si Pangulong Benigno Aquino III ng iatas nito sa isang suspendidong opisyal na si resigned PNP chief Alan Purisima ang Oplan Exodus habang ang sinibak na SAF chief Getulio Napeñas naman ang nagpatupad nito.
Aniya, puwedeng masibak sa pagiging pulis sina Purisima at Napeñas dahil sa grave misconduct ng mga ito bukod sa hindi pagsunod ni Purisima sa kautusan ng korte ng suspindihin ito.
Wika pa ni Poe, nilabag ni Purisima ang Article 177 ng Revised Penal Code at section 36 (b) (4) ng PD 807 in relation to section 46 (A) (3) ng revised rules ng Administrative cases in the civil service dahil suspendido na ito noong Dec. 6, 2014.
Aniya, ang sinumang opisyal na pinatawan ng preventive suspension ng Ombudsman ay hindi na dapat ginagampanan ang kanyang trabaho sa pag-iral ng suspension subalit nilabag ito ni Purisima na umakto pa din sa kanyang trabaho at makialam sa Oplan Exodus.
Sinamahan pa nito si Napeñas sa Bahay Pangarap noong Enero 9 para sa briefing kay Pangulong Aquino kaugnay sa Oplan Exodus.
Idinagdag pa ni Poe, dahil sa paglabag nito sa usurpation of authority ay puwedeng makulong din si Purisima at tuluyang masibak sa pagiging pulis.
Hindi din ito nagbigay ng tamang impormasyon kay Pangulong Aquino noong Enero 25 ng isagawa ang Oplan Exodus na lumitaw sa mga text message nito kay PNoy.
Maging si Napeñas ay puwede ding makasuhan ng incompetence ng hindi nito sunurin ang utos ng Pangulo na makipag-coordinate sa AFP.
Lumitaw din sa committee report na naiwasan sana ang pagbubuwis ng maraming buhay kung nabigyan lamang ng totoong sitwasyon si Pangulong Aquino ni Purisima sa kasagsagan ng operasyon ng Oplan Exodus.
Sinabi pa ni Sen. Poe, hindi engkwentro ang naganap sa Mamasapano, Maguindanao noong madaling araw ng Enero 25 kundi ‘massacre’ ng tambangan sa pamamagitan ng ‘pintakasi’ ang SAF members.
Idinagdag pa ni Poe, lumitaw din na nakialam mismo ang US hindi lamang sa rescue kundi bahagi sila sa pagbibigay ng impormasyon, equipment at training sa SAF upang mahuli ang Malaysian bomb expert na si Marwan na inamin ng sinibak na si Napeñas sa executive session.