Terror links ng 2 Indian nationals pinaiimbestigahan

MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon ang isang prominenteng abogado sa Malacañang na imbestigahan ang pagkakasangkot sa pandaigdigang terorismo ng dalawang Indian national na namamalagi rito sa Pilipinas.

Sa kanyang liham kay Executive Secretary Paquito Ochoa na petsang Enero 12, hiniling din ni Atty. Argee Guevarra sa Malacañang na imbestigahan sina Maqsood Ahmed Khan at Koyanna Venugiopal Krishna Reddy na kapwa negosyanteng nagmula sa Bangladore, India.

Posible aniyang sangkot sa money laundering ang mga ito at lumalabag na sa anti-terrorism law ng Pilipinas.

Hinihinala ni Guevarra na prente lang ng naturang mga Indian nationals ang operasyon ng minahan upang itago ang posibleng money laundering activities ng mga ito sa bansa.

“Nang tinatanong ng aking mga kliyente sa mga Indyanong ito na sila ay bumibili ng black sand sa malaking halaga at ine-export ito sa mababang halaga, hindi umano sila pinansin ng mga Indyano. Mas mahalaga para sa mga Indyanong ito na ipakita na me dollar earnings diumano dito sa kabila ng paluging operasyon ng minahan,” ani Guevarra.

Kahina-hinala umano ang galaw ng dalawa matapos matuklasan ng mga lokal na partners ng dalawang Indian nationals ang pagkawala ng mahigit US$ 6 million o 270 milyong piso kinita ng mga ito sa iligal na pagbebenta ng black sand mula sa mining firm na Templeton Resources Inc.

Dating mga opisyal ng kumpanya ang dalawa.

Sa kabila ng kawalang pahintulot ng kumpanya, nagawang magbenta ng mahigit 33,330 toneladang black sand sa China sina Khan at Reddy. Nadagdagan pa ito at umabot sa mahigit US$6 million o 270 milyong piso ang kinita sa napagbentahan ng black sand.

Nakasuhan ng large-scale theft sa korte ng Iba, Zambales ang dalawa. Nang tanungin ang mga Indian nationals kung saan napunta ang perang kinita mula sa bentahan, inamin ng mga ito na inilagak nila ito sa isang OCBC Singapore bank account no. 517746848001 sa ilalim ng pangalan ni Guru Prasad.

Nang tanungin si Prasad, inamin nitong naipadala na ang pera sa Mali, China, Peru at iba pang mga bansa. Ayon kay Prasad, pinagyabang nitong ipinambayad niya bilang protection money ang pera sa isang organisasyon ng mga terorista na nakabase sa Mali.

Show comments