MANILA, Philippines - Ilang buwan matapos masibak kaugnay ng anomalya sa pagbili ng P80M halaga ng medical supplies, ibinalik sa puwesto ang pinuno ng AFP Medical Center.
Kinumpirma ni AFP spokesman Col. Harold Cabunoc na nakabalik na sa kaniyang puwesto si Brig. Gen. Normando Sta Ana.
Si Sta. Ana ay nasibak kasama ang ilan pa nitong mga opisyal at staff noong nakalipas na Oktubre matapos ireklamo ni Renato Villafuerte.
Ayon kay Cabunoc, napawalang sala si Sta. Ana dahil sa kakulangan ng ebidensya at testigo sa kaso.
Lumilitaw rin na ‘fictitious’ o gawa-gawa lamang ang pangalan ng nagrereklamong si Renato Villafuerte na nagpasingaw ng nasabing expose.