MANILA, Philippines - Hindi pagsusuutin ng “adult diaper” ang nasa 17,000 security forces at reservist ng militar na magbibigay seguridad sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa susunod na linggo.
Sinabi ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla na hindi magbibigay ng ‘adult diaper’ ang liderato ng AFP para sa mga sundalo at reservist na mangangalaga sa seguridad ng Santo Papa, mga VIP at maging ng milyun-milyong mga deboto.
“Ito (adult diaper) ay isang personal preference, we will not provide but kung gusto nila nasa kanila na po pero hindi natin sila inoobliga,” ani Padilla.
Sinabi ni Padilla na ang security forces ng AFP ay nagsanay at kaya na ng mga itong magpigil pansamantala (personal necessity) na iginiit na kung saka-sakali ay mayroon namang mga pampublikong comfort room sa mga itinalagang ‘control points’.
Umpisa ngayong araw (Enero 10) ay nasa red alert status na ang AFP.
Ang PNP ay nakatakda namang magtaas ng alerto sa Enero 12. Nasa 25,000 police personnel din ang nakatakda nitong ideploy.