MANILA, Philippines - Sa Enero 2015 na bubusisiin ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang naisampang petisyon na humihiling na maibaba ang pasahe sa mga pampasaherong bus at taxi.
Sa petisyon ni Negros Congressman Manuel Iway sa LTFRB, humiling ito na gawing P8.00 ang minimum na pasahe sa ordinary passenger buses sa bawat apat na kilometro at maibaba sa P30.00 ang flag down rate sa taxi dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng krudo.
Sa ngayon, P10.00 ang minimum fare sa ordinary passenger buses at P40.00 ang flag down rate sa taxi.
Sabi ni LTFRB Chair Winston Gines, titiyakin nila sa gagawing pagbusisi sa petisyong fare rollback na hindi maisasakripisyo ang kapakanan ng bawat panig ng mga operator ng naturang mga sasakyan at ng mga pasahero.
Una nang nagpatupad ang LTFRB ng P1.00 bawas sa pasahe sa mga pampasaherong jeep sa Metro Manila o P7.50 fare mula sa dating P8.50 fare dahil sa patuloy na oil price rollback.