MANILA, Philippines – Kinumpirma kahapon ni Vice President Jejomar Binay na isang overseas Filipino worker ang ginawaran ng parusang kamatayan sa Saudi Arabia.
Ayon kay Binay, ipinatupad ng Saudi authorities ang execution o pagbitay sa pamamagitan ng pagpugot sa ulo ng Pinoy na si Carlito Lana na naunang sinentensyahan dahil sa brutal na pagpatay sa matandang amo.
Sinabi ni Binay, tumatayo ring Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers’ Concern na dakong alas-9:30 ng umaga noong Biyernes, Disyembre 12 nang ialis sa kanyang detention cell si Lana at binitay bandang alas-3 ng hapon.
“Ikinalulungkot kong ibalita na ang kababayan natin na si Carlito Lana ay pinugutan ng ulo sa Saudi Arabia. Iyan po ay kinumpirma ng Philippine Embassy,” ani Binay.
Idinagdag ni Binay na hindi nagbigay ang Saudi government sa Embahada, sa pamilya at sa bibitaying Pinoy ng anumang maagang “notice of execution” at sa petsa ng pagpapatupad ng bitay.
Sa rekord, si Lana ay hinatulan ng Saudi court ng parusang bitay sa pamamagitan ng pagpugot sa kanyang ulo (tinawag na gisas sa Saudi) noong 2011 matapos niyang mapatay ang employer na 65-anyos, isang Saudi national.
Hindi nagbigay ng “affidavit of forgiveness” o “tanazul” ang pamilya ng biktima kaya nawala ang tsansa ni Lana na masagip sa bitayan at maging ang liham apela ni Pangulong Aquino ay isinantabi.
Nabatid na nabaril at napatay ni Lana ang amo at ginamit pa umano ang sasakyan ng huli para sagasaan ang matanda sa ulo.
Sa ulat ng Embahada, sinabi umano ni Lana na mabait ang kanyang amo at may maganda silang samahan subalit madalas siyang pinipilit na magdasal sa tuwing oras ng pagdarasal ng mga Muslim.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), sinubukang kausapin ng abogado ni Lana ang anak ng biktima upang makipagkita sa ina ni Lana upang personal na iabot ang kanilang sulat na humihingi ng kapatawaran subalit ito ay tinanggihan.
Sumulat din si Pangulong Aquino kay Saudi King Abdullah bin Abdul Aziz upang hilingin na mamagitan sa pagkukumbinsi sa pamilya ng biktima para sa “amicable settlement” subalit nabigo ang Pangulo.
Bago ang pagbitay, nag-aantabay din ang Bise Presidente sa opisyal na ulat mula sa Embahada para sa petsa ng eksekusyon. Hiningi din niya sa DFA na magbigay ng update sa kaso ng iba pang nakapiit na Pinoy na nasa death row na tinanggihan ng pamilya ng kanilang mga nabiktima na magbigay ng tanazul.
Batay sa tally, nasa 80 mga dayuhan at Saudi na ang pinatawan ng parusang kamatayan sa Saudi Arabia ngayong taon.
Kabilang sa mga krimen na ginagamitan ng parusang kamatayan sa Saudi Arabia batay na rin sa Islamic sharia law ay panggagahasa, pagpatay, apostasy, drug trafficking at armed robbery.