MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa kinauukulang komite sa Senado ang plano na i-demolish ang 440 taong Anda Circle Monument sa Intramuros, Manila upang maibsan ang trapiko sa nasabing lugar.
Sa resolusyon na inihain ni Santiago, sinabi nito na dapat silipin ng Senado ang balak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil bahagi ng history ng bansa ang Anda Circle Monument.
Nais ni Santiago na magpasa ng batas upang mas mabigyan proteksiyon ang historical at cultural heritage ng bansa.
Tinukoy ni Santiago na sa Article 2, Section 15 ng Konstitusyon, maliwanag ang nakasaad na mismong ang gobyerno ang dapat magsulong ng pagpapanatili ng mga historical at cultural heritage ng bansa at maging ang mga “artistic creations”.
Sinabi ni Santiago sa kanyang resolusyon na lumabas sa mga ulat sa media noong nakaraang Setyembre na balak ng DPWH na tanggalin ang Anda Circle Monument at ilipat sa ibang lugar.