MANILA, Philippines - Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang anggulong nag-suicide o aksidente ang pagkakabaril ng bagitong pulis sa kaniyang sarili matapos itong matagpuang may tama ng bala sa ulo sa loob ng inuupahang kuwarto sa Barangay Poblacion, Buyagan, La Trinidad, Benguet kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Cordillera PNP spokesman P/Supt. Vicente Limmong ang biktima na si PO1 Joshua Bomal-o, 26, tubong Sagada, Mt. Province at nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion ng 2nd Maneuver Company.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na nagulat ang ka-live-in ng biktima na si PO1 Vandamme Marian Banayon, 23, nakatalaga sa Ifugao Provincial Public Safety ng marinig ang putok ng baril mula sa kanilang silid.
Nang takbuhin ang inuupahang kuwarto ay mabungaran ang nakahandusay na si Bomal-o na may tama ng bala sa ulo.
Sa pahayag ni Banayon sa mga imbestigador, sinabi nito na abala siya sa pakikipag-usap sa cellphone ng mangyari ang insidente.
Humingi naman ng tulong si Banayon sa kanilang mga kapitbahay para dalhin sa Benguet Hospital ang biktima bago nilipat sa Saint Louis Hospital kung saan namatay ito nakalipas ng ilang oras.