Mga magsasaka mula sa C. Luzon nagmartsa vs pagkapaso ng CARP

MANILA, Philippines - Dumating na kahapon sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City ang may 600 magsasaka na apat na araw naglakad mula sa Central Luzon.

Sa report ng radyo dzMM, nagpahinga muna ang grupo sa Monumento, Caloocan at nagdaos ng programa saka tumulak patungong DAR.

Doon na umano nila hihintayin ang pagsapit ng araw ng Lunes, Hunyo 30, kung kailan mapapaso ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Chair Rafael Mariano, sa nakalipas na 26 taon, bigo umanong maipatupad ng pamahalaan ang tunay na adhikain ng batas.

Hanggang ngayon anya, hindi pa rin naipapamahagi sa mga magsasaka ang malalaking hacienda sa bansa na saklaw ng CARP na halos tatlong milyong lupain.

Mananatili ang grupo sa DAR hanggang sa Lunes upang ipagluksa ang anila’y pagkamatay ng CARP.

Ipapanawagan din nila ang pagbaba sa pwesto ni DAR Secretary Virgilio delos Reyes dahil sa kabiguan umano nitong maipatupad ang batas.

 

Show comments