‘VIP prisoners’ sisilipin ni Miriam

MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa Senado ang napaulat na “VIP treatment” sa mga high-profile inmate.

Ito’y matapos makara­ting sa kaalaman ng senadora na may mga bilanggo sa New Bilibid Prison na nakatira sa aircondition rooms, nagmamaneho ng golf carts, electric motorcycles at tricycles, nakaka­gamit ng illegal na droga, alak pati ang pagpapasok ng GRO.

Dahil dito nakatakdang ihain ni Santiago ang Se­nate Resolution No. 525 na naglalayong masugpo ang aniya’y anomalous situation sa NBP.

Mali aniya ang hindi patas na pagtrato sa pagitan ng mga mahihirap at mayayamang inmate.

Ayon kay Santiago, malaking insulto sa sistema ng hustisya sa bansa ang tila pagiging “private resort” ng mga piitan.

“These prisoners are supposed to be experiencing punishment for their crimes, not taking a vacation,” sabi ng mambabatas.

Una nang inihain ni Santiago ang Senate Bill No. 1759, o “No Frills Pri­son Bill” na nagtatakda ng average standard li­ving conditions ng bawat bilanggo.

Sa panukalang batas, ipagbabawal na ang access ng lahat ng mga inmate sa ilang luho gaya ng telebisyon, cellphone at computer.

 

Show comments