MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Huwebes na nakatanggap siya ng liham mula sa itinuturong pork barrel scam mastermind na si Janet Lim-Napoles.
Ipinakita ni Aquino ang liham na ipinadala noong Abril 17, 2013 kung saan nakasaad na pinabubulaanan ni Napoles ang mga paratang na may ginagawa siyang ilegal.
"Basically, sinasabi niya inosente siya, matinong negosyante sila for the past 29 years. Inaapi sila ng NBI. 'Yun ang gist nito," pahayag ni Aquino.
Binasa ng Pangulo ang ibang bahagi ng sulat: "We (Napoles) are decent law-abiding citizens all our lives. We are not kidnappers. We are not criminals. My family and I are legitimate businessmen. We have been engaged in the business for the past 29 years and the main reason for our success is because of the trust and integrity attached to our good name."
Ang isa sa mga akusado sa pork scam na si Senador Jinggoy Estrada ang nagsiwalat na mayroon sulat si Napoles kay Aquino.
Ilang kaalyado na ni Aquino ang idinadawit sa pork scam ngunit iginiit ng Pangulo na wala siyang naging transaksyon kay Napoles.
"So wala siyang interes na maging close sa akin dahil wala siyang mapapala sa akin," sabi ni Aquino.
"Anong pakinabang niyang maging close sa aking kung ang habol niya ay maghanapbuhay sa PDAF?"