Opening ng klase sasalubungin ng protesta ng mga guro

Excited na ang mga bata sa kanilang pagbabalik-eskwela bukas kaya matiyagang pumila ang mga ito para magpagupit sa nag-iisang barbero sa kanilang lugar sa Happy Land sa Tondo, Maynila. (Edd Gumban)  

MANILA, Philippines - Kasado na ang nakatakdang malawakang kilos protesta bukas ng mga guro na miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) bilang salubong sa pagbubukas ng klase bunsod na rin ng kanilang kahilingan na dagdag na suweldo.

Ayon kay ACT Chairman Benjie Valbuena, pasisimulan nila ang kanilang kilos protesta bandang ala-1:00 ng hapon.

Sinabi ni Valbuena, tatangkain nilang pasukin ang Palasyo ng Malakanyang pero kung haharangin ay sa paanan na lamang ng tulay ng Mendiola sila magsasagawa ng programa.

Bukod sa Mendiola ay may programa ring inihanda ang mga guro sa Bacolod, Ozamis at Davao.

Hiling ng grupo na itaas ang kanilang suweldo mula P18,549 ay ga­wing P25,000 habang ang mga non-teaching staff na sumusuweldo ng P9,000 ay gawing P15,000 kada buwan.

Iginiit ni Valbuena na kung magmamatigas ang gobyerno na huwag ibigay ang kanilang kahilingan ay itutuloy din nila ang pagsasagawa ng mass leave sa susunod na mga araw.

Nais ng ACT na isama na ni Pangulong Noynoy Aquino sa 2015 national budget ang hirit nilang dagdag sahod.

Una nang sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na wala silang tutol na taasan ang suweldo ng mga guro ngunit ipinaliwanag na wala pa silang budget para rito sa ngayon.

 

Show comments