Sen. Cayetano ‘nilinis’

MANILA, Philippines - Walang transaksyon kay Senador Alan Peter Cayetano ang mga testigo o whistleblower sa ano­malya sa Priority Deve­lopment Assistance Fund.

Ito ang iginiit kahapon ni Atty. Levito Baligod, dating abogado ng isa sa mga testigo na si Benhur Luy.

Sinabi pa ni Baligod na, sa dami ng naglalabasang kopya ng tinatawag na listahan ng negos­yanteng si Janet Napoles hinggil sa mga sangkot sa PDAF scam, walang silbi ang mga ito dahil sa bandang huli, ang mga testigo rin na may direktang nalalaman sa mga transaksyon sa PDAF ang makakapagpatunay kung sino-sino ang mga sangkot dito.

Sinabi pa ng abogado na, kahit nasa listahan ni Luy si Cayetano, wala naman itong corroborative statement at ebidensiya na hindi tulad ng sa ibang mga senador na sangkot sa anomalya na sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla na pawang may mga witness at dokumentong nagdidiin sa kanila.

Sinabi pa ni Baligod na wala kahit isa man sa mga whistleblower na nagbigay ng pahayag na sangkot si Cayetano.

“Hindi porke lumitaw ang pangalan ng isang opisyal sa file ni Benhur ay nangangahulugang kasama siya sa listahan. Kailangan nating beripikahin at ibalido sa mga testigo kung meron silang personal na kaalaman sa pagbibigay ng kickback,” paliwanag ni Baligod. Kung may nalalaman sila, kasama na sa listahan ang pangalan ng opisyal. Kahit nandoon iyung pangalan ng isang government official, hindi nangangahulugan na sangkot siya sa PDAF scam.”

Samantala, ang analyst na si Mon Casiple ay nagpahayag ng suporta sa panawagan ni Cayetano sa pagbubukas sa pagdinig ng blue ribbon committee sa PDAF scam.

Sinasabi ni Cayetano na para mapabilis na ang pagtukoy sa mga sangkot sa scam ay isalang na sa pagtatanong sina Luy, Napoles at iba pang sangkot sa “Napolist”. Sa pamamagitan nito ay mapapadali umano ang imbestigasyon at mapa­ngalanan ang mga sangkot habang maprotekta­han din ang mga inosente na nadadamay lamang sa listahan.

Naniniwala ang analyst na ang pagberipika mismo sa mga whistleblower at kay Napoles ang magbibigay-tuldok sa pagkalat ng mga pangalan na isinasangkot sa scam.

 

Show comments