‘Napoles list’ ilabas na - Cam

MANILA, Philippines - Nagsadya pa ng personal  sa Department of Justice (DOJ) ang pangulo  ng Whistleblowers Association of the Philippines  na si Sandra Cam para muling hilingin kay Justice Secretary Leila de Lima ang pagsasapubliko ng kontrobersyal na listahan ni Janet Lim Napoles ng mga mambabatas na umano’y sangkot din sa PDAF scam.

Gayunman, bigo si Cam, na makaharap si De Lima  dahil nang magtungo ito sa DOJ kahapon ay dumadalo naman ang kalihim  sa isang pagpupulong. Nagsumite na lamang si Cam ng dalang liham para sa kalihim.

Nais ni Cam na isapubliko ni De Lima hindi lamang ng listahan ni Napoles, kungdi ng kanyang buong affidavit, dahil alinsunod umano ito sa itinatakda ng Section 7, Article 3 ng Konstitusyon na naggagarantiya sa right to information ng publiko sa mga usapin na maituturing na public concern.

Si  Cam ay nagsabing mayroon din siyang sariling kopya ng Napoles List, pero ayaw din naman ilantad sa publiko.

Sa listahan ni Cam, sinasabing 82 congressman at 16 na mga senador kasama na rito ang tatlong nauna nang inireklamo sa  Office of the Omudsman, ang umano’y dawit sa PDAF Scam.

Aniya, nasa 80 porsyento umano sa mga sangkot sa PDAF scam ay pawang mga kaalyado ni Pangulong Noynoy Aquino.

Show comments