Deniece sumuko na hawak ni Gen. Purisima

Sinamahan ni Rod Cornejo (kaliwa) sa pagsuko ang kanyang apong si Deniece Cornejo (kanan) kay PNP Chief, Dir. Gen. Alan Purisima kahapon ng hapon. (PNP PHOTO)

MANILA, Philippines - Matapos ang ilang linggong pagtatago sa batas, sumuko na kahapon ang puganteng modelong si Deniece Cornejo sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima sa Camp Crame.

Ayon kay Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, chief ng Public Information Office ng PNP, bandang alas-4:00 ng hapon ng dumating sa Camp Crame si Cornejo kung saan ay isinailalim ito sa kustodya ng PNP kaugnay ng kasong serious illegal detention na isinampa ng actor/tv host  na si Ferdinand “Vhong” Navarro.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, bago ang pagsuko ay nakipagkoordinasyon sila sa PNP para sa pagsuko ni Deniece na sinamahan naman  ng kaniyang pamilya.

Sinasabing sumuko si Deniece matapos itong mapagod sa pagpapalipat-lipat ng taguan sa hindi tinukoy na mga lugar sa bansa.

Una nang umapela sa isang television network ang lolo ni Deniece na si Rod Cornejo na sumuko na ito sa batas para sa ikatatahimik ng kaniyang pamilya.

Matapos sumurender kay Gen. Purisima ay dinala si Cornejo sa tanggapan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Sinabi naman ni PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong na pansamantang ididitine si Cornejo sa  kanilang custodial facility habang hinihintay pa ang desisyon ng korte kung saan ito nararapat ikulong.

Nagpapatuloy naman ang dragnet operations sa iba pang mga akusado sa pambubugbog kay Navarro na kinabibilangan nina Jed Fernandez, Ferdinand Guerrero, Jose Paolo Gregorio Calma at Bernice Lee.

Una nang nabitag ng pinagsanib na elemento ng National Bureau of Investigation (NBI) at PNP ang prinsipal na akusadong negosyanteng si Cedric Lee at  kaibigan nitong  si Simon “Zimmer “ Raz sa liblib na lugar sa bayan ng Oras, Eastern Samar noong Abril 26.

Nag-isyu ng warrant of arrest ang Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 271 laban kina Lee  at iba pang akusado sa kasong grave coercion at serious illegal detention kaugnay ng pambubugbog kay Navarro noong Enero 22 ng gabi sa Forbeswood Heights Condominium ni Lee sa Taguig City.

 

Show comments