Ex-Mayor Co, misis arestado ng NBI dawit sa Aman Futures scam

MANILA, Philippines - Naaresto ng mga ope­ratiba ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating Pagadian City Mayor Samuel Co at misis nito na si Priscilla sa Serendra, Bonifacio Global City sa Taguig.

Ang mag-asawa ay kapwa nasasangkot at mga pangunahing respondents sa syndicated estafa kaugnay sa bilyong investment scam ng Aman Futures o ang tinaguriang Amalilio scam.

Nadakip ang mag-asawa nitong Sabado ng hapon kasunod ng surveillance operation ng NBI.

Ayon sa isang mataas na opisyal ng NBI, hindi muna nila idedetalye ang pagkakadakip sa dalawa dahil ngayong araw pa ihaharap sa media ni Justice Secretary Leila de Lima ang mag-asawa.

Pero ayon sa ulat, na­aresto si Co habang dumadalo umano sa isang Christmas party sa isang unit sa Serendra condominium sa BGC, Taguig.

Matatandaang noong Hulyo lamang nitong taon, isinampa ng Department of Justice (DOJ) ang panibagong kaso ng syndicated estafa laban kina Co at iba pang respondents kabilang ang utak ng nasabing pyramiding scam na si Manuel Amalilio, na sinasabing nagtatago sa bansang Malaysia.

Batay ito sa pormal na kasong inihain ng investors na sina Samsodin Ala, fire officer Fabian Tapayan Jr. at government employee na si Norolhaya Taha.

Show comments