MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pagkaalarma kahapon si Defense Secretary Voltaire Gazmin sa itinayong ‘Air Defense Identification Zone’ (ADIZ) ng China sa East China Sea na pinalagan ng ilang mga bansang kaalyado ng Pilipinas.
Ayon kay Gazmin, hindi dapat ginawa ng China ang ganitong mapangahas na hakbang dahil nagiging mapanganib ito at baka pagmulan pa ng hindi magandang insidente.
Sa kasalukuyan ay nagpadala na rin ng warplanes ang China sa idineklara nitong ADIZ na iginiit na normal air patrol lamang ito.
Kaugnay nito, inihayag ng Defense Chief na sa susunod na linggo ay bibisita sa bansa si Japanese Defense Minister Itsunori Onodera at kabilang sa kanilang agenda ang pagtalakay sa nasabing ADIZ ng China.
Nababahala rin si Gazmin na gawin din ito ng China sa Southeast Asian Region na lalong magpainit ng tensyon sa pagitan ng mga bansang nag-aagawan sa Spratly Island sa West Philippine Sea (South China Sea) kabilang ang China, Taiwan, Malaysia, Brunei, Vietnam at Pilipinas.
Nanawagan naman ang opisyal sa China na ilagay sa kaayusan ang ‘international flight rules’.
Sa ilalim ng ADIZ, inoobliga ng China ang mga dayuhang aircraft na dadaan sa kanilang defense zone na magpakilala at makipag-koordinasyon muna bagay na iprinoprotesta ng Japan na sinuportahan ng South Korea at iba pang mga bansa.