Forced evacuation sa Zambo: 21 na patay!

MANILA, Philippines - Ipinatupad na kahapon ng Crisis Management Council (CMC) ang ‘forced evacuation’ sa anim na barangay na itinuturing na ‘critical zone’ sa Zamboanga City.

Ito’y sa gitna ng pagpapasabog ng mortar ng Misuari breakaway group sa Barangay Sta. Catalina na ikinasugat ng hindi bababa sa 3 Red Cross worker.

Sa ika-limang araw ng bakbakan ay umaabot na sa 21 ang nasawi habang 69 pa ang sugatan sa patuloy na sagupaan ng militar at MNLF sa Zamboanga City.

Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Domingo Tutaan Jr., sa Zamboanga crisis ay dalawa ang nasawi sa AFP, 3 sa PNP at dalawang sibilyan habang sa MNLF ay 11 ang napaslang, 28 sundalo ang sugatan, anim na pulis habang 34 sibilyan.

Sinabi ni Tutaan na nasa 20 MNLF ang nagsisuko at nasakote.

Samantala, umaabot na sa 24,704 o 5,348 pamilya ang inilikas na residente sa siyudad.

Sa Zamboanga City Sports Complex pa lamang ay 15,000 na ang kinukupkop mula pa noong Lunes dahil sa pag-atake ng grupo ng limang Commander ng MNLF sa pamumuno ni Habier Malik.

Ang hakbang ay upang tiyakin na walang madadamay sa mga ino­senteng sibilyan sakaling magkaputukan sa panig ng tropa ng militar at nagmamatigas pa ring grupo ng MNLF rouge elements.

Inaprubahan ng city council nitong Huwebes ng gabi ng Zamboanga City council ang pagpapatupad ng agarang ‘forced evacuation’ sa pamamagitan ng ipinasang ordinansa.

Kabilang sa libu-libong inilikas na mga sibilyan ay mula sa mga barangay Sta. Barbara, Sta. Catalina, Mampang, Talon-Ta­lon, Rio Hondo at iba pang bahagi ng Tugbungan.

 

Show comments