POEA nagbabala Email scam sa mga OFWs

MANILA, Philippines - Binalaan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga prospective Overseas Filipino Workers (OFWs) laban sa isang email scam na nag-iimbita sa kanila para sa isang working visa interview coaching sa susunod na linggo kapalit ng malaking halaga.

Ayon sa POEA, ang naturang email na mula sa “Extendicare Hospitals & Hospices” ay isang scam at dapat na balewalain na lamang.

“If you received this email inviting you to attend ‘Working Visa Interview Coaching for the year 2013 on July 20 & 21, 2013,’ PLEASE IGNORE IT. THIS IS A SCAM!” babala pa ng POEA sa kanilang Facebook account.

Nabatid na kapalit ng visa interview coaching ay ang halagang P3,800, na kinakailangan umanong ibayad ng recipient ng email sa pamamagitan ng wire transfer.

Nakasaad na ang email ay mula sa isang “Deborah Bakti,” na gumamit ng Microsoft Live email address.

Sinasabihan umano nito ang mga recipients ng email na napili sila para maging Staff Nurse (Philippine Board Licensed) o di kaya’y HealthCare Assistant (unlicensed Nurse & medical allied course graduate) para sa Extendicare Hospitals & Hospices sa Canada.”

Gayunman, kinakailangan muna ng mga reci­pients ng email na umatend ng working visa interview coaching sa mga “Canadian traders” sa Hulyo 20 at 21 kapalit ng nasabing coaching fee.

Pinangangakuan din ng mga ito ang mga recipients na maaari silang mai-deploy sa Canada sa Nobyembre 2013.

Ang interview coaching ay isasagawa sa Extendicare Building na matatagpuan sa 2314 Chino Roces St., Brgy. Pio Del Pilar, Makati City.

 

Show comments