Benepisyo para sa PRHTAI, hiniling na huwag ipagkait

MANILA, Philippines - Umapela kahapon ang Philippine Race Horse Trainers Association Inc.(PRHTAI) sa tatlong malalaking horse owner organization sa bansa  na huwag naman ipagkait sa kanila ang natatanggap na benepisyo mula sa pinatitigil na 3% trainer’s fund na ibinigay sa kanila ng gobyerno ng mahigit na apat na dekada.

Ang apila ng PRHTAI ay kanilang ginawa dahil sa banta ng tatlong malaking horse owner organization na kinabibila­ngan ng Marho, Philtobo at Klub Don Juan na magwewelga sa pamamagitan ng di-pagdedeklara ng kabayo, kung hindi pakikinggan ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) ang kahilingan na itigil ang benepisyong 3% na trainer’s fund na mula sa premyo ng kabayo.

Tiniyak naman ng samahan ng horse trainer na walang magaganap na racing holiday sa kanilang hanay at hindi nila ito pahihintulutan na mangyari dahil marami sa mga maliliit na manggagawa sa industriya ng karera ang magugutom.

Ayon kay Ruben Tupas, pangulo ng PRHTAI, nakikiusap at nagsusumamo siya sa kanilang mga horse owner na huwag naman kunin ang benepisyong kanilang natatanggap mula sa premyo ng kabayo, dahil dito nakasalalay ang kinabukasan ng kanilang pamilya.

Nanawagan din si Tupas na huwag naman sanang ituloy ng Tri-Org ang planong di pagdedeklara ng kanilang mga kabayo para sa planong racing holiday  dahil hindi ito makakatulong sa industriya.

Show comments