Unahin ang pinakamahirap - Bro. Eddie

MANILA, Philippines - Sa kabila ng tumataas na credit rating, at magandang performance ng stock market, hindi nagbabago ang antas ng kahirapan dahil hindi inuuna ang mga pinakamahirap o yung tinatawag na marginalized sector.

Ito ang pagtaya ni Bangon Pilipinas senatorial candidate Bro. Eddie Villanueva kaugnay ng report ng National Statistical Coordination Board (NSCB) na ang poverty incidence ay nananatili sa 27.9 percent sa unang semester ng 2012 na kaparehas din noong taong 2009 at 2006 (28.8 percent).

Ani Villanueva, patunay ito na ang kaunlaran ay hindi nakakaabot sa pinakamahirap na sektor o grassroots ng lipunan.  Aniya, ang mayaman lamang ang lalung yumayaman.

“For this country to move forward, the poor and the marginalized must be given a chance to better their lives. In the Senate, this will be our legislative agenda,” tiniyak ni Bro. Eddie na isang ekonomista.

Aniya, ito ang diwa ng “ekonomiya ng sangigilid” na puspusang itataguyod ng Bangon Pilipinas para paunlarin ang kabuhayan ng bansa.

Aniya, masyadong dumepende ang ekonomiya ng Pilipinas sa remittance na ipinadadala lamang ng mga overseas Filipino workers gayundin ng local na pagkonsumo ng mga produkto. 

Si Bro. Eddie na isa ring propesor ay nagsabing isusulong din niya ang isang education system na makatutugon sa workforce na kailangan ng bansa.

Show comments