MANILA, Philippines - Personal na humarap si Liberal Party senatorial bet Jamby Madrigal sa Commission on Elections (Comelec) upang isumite ang kanyang written explanation sa kontrobersyal na social media contest na may pa-premyong I-pad.
Nanindigan pa rin si Madrigal na hindi niya alam na may pa-contest bagamat aminado ito na ang ginamit dito ay ang kanyang Facebook at Twitter accounts.
Subalit nilinaw ng LP senatorial bet na hindi niya sinisisi ang kanyang mga volunteers na siyang namamahala sa nasabing social networking sites.
Naging emosyonal naman si Madrigal nang kanyang aminin ito na may natutunan siya sa nangyari nang higit pa sa pagrespeto sa Comelec o election rules.
Sinabi ni Jamby na nakita niya na galit talaga ang taumbayan sa corruption lalo na ang mga kabataan.
Nang tanungin naman kung siya’y handang mamigay ng I-pad, pabirong sinabi ni Madrigal ayaw niyang mangako dahil baka makasuhan siya ng vote-buying ng Comelec. Pero sinabi ni Madrigal na magandang proyekto ito sa mga estudyante sa mga pampublikong paaralan upang matugunan ang kanilang pagkagutom sa kaalaman at self-expression.