Puwesto ng partylists sa balota ira-raffle ng Comelec

MANILA, Philippines - Magsasagawa ngayong araw ng raffle ang Commission on Elections (Comelec) para sa magiging puwesto ng mga partylist group sa lilimbaging opis­yal na balotang gagamitin sa May 2013 elections.

Sinabi ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento na ngayong Enero 4, 2013 alas-10 ng umaga ang ka­una-unahang raffle.

Bukod sa 84 partylist groups na pinayagang ma­kasali sa susunod na halalan ay inaasahang dara­ting din ang mga kinatawan ng 52 partylist group na di­niskwalipika ng komisyon ngunit nakakuha ng status quo ante order sa Korte Suprema.

Matatandaang sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr na papayagan nilang makasama sa ipa-iimprentang balota ang mga partylist na nakakuha ng SQA hanggat wala pang pinal na desisyon dito ang SC.

Alinsunod sa proseso, bawat partylist group ay kailangang may kinatawan para sa gagawing raffle.

Ang kinatawan ang bubunot sa tambiolo at anu­mang numero ang mabunot nito ay siya nilang magi­ging pwesto sa balota.

Sakali namang walang kinatawan ang isang grupo ay kahit sino sa mga Comelec Commissioners na lamang ang bubunot para sa kanila.

Sa dating proseso, ang mga partylist group na nagsisimula sa number 1 o letter A ang karaniwang nasa unahang pwesto, pero ngayon ay binago na ito upang maging patas naman umano para sa lahat na kandidato.

 

Show comments