MANILA, Philippines - Hindi nababahala si Cagayan First District Rep. Juan Ponce “Jack” Enrile sa banta ng ilang grupo na posibleng madiskaril ang kanyang kandidatura bilang senador bunga ng “magka-away” na posisyon nila ng kanyang ama na si Senate President Juan Ponce Enrile, hinggil sa kontrobersiyal na “reproductive health” (RH) bill.
Ayon kay Rep. Enrile, taumbayan ang huhusga batay sa pagkakilala sa kanya bilang ‘Jack Enrile.’
“I will bring my case before the Filipino people; I will go around during the campaign period and let the people decide whether I deserve a seat in the Senate or not,” banggit ni Jack sa kanyang pahayag sa media.
Aniya pa, lalo pang dapat hangaan ng publiko ang kanyang ama sa pagposisyon nito laban sa RH bill kahit suportado niya ito at isinusulong pa ng gobyernong Aquino.
Makaaasa rin umano ang publiko na tulad ng kanyang ama, nakahanda rin siyang “ipusta” ang kanyang “political career” sa anumang isyu na tatayuan niya sakaling manalo bilang senador.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang Cagayan solon sa publiko dahil sa ipinapakitang tiwala sa kanyang merito bilang kandidato batay sa resulta ng mga survey ng Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia.
Halos pantay ang posisyon ni Jack at San Juan City Rep. JV Ejercito sa ika-4 at ika-5 na puwesto batay sa Pulse Asia survey.