MANILA, Philippines - Bumuo na ang gobyerno ng National Task Force na reresolba sa kaso ng bilyong pisong investment scam na nakapambiktima ng 15 libong katao sa Visayas at Mindanao.
Ang National Task Force ay kinabibilangan ng Department of Justice, Department of Finance at Department of Interior and Local Government. Magpapatulong rin sila sa Securities and Exchange Commission para sa iba pang detalye.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, sa ngayon ay aabot na sa 8,000 complaints ang naihain sa Pagadian prosecutors office mismo, pero ilan pa lang dito ang on-going na ang preliminary investigation.
Lahat ng mga kasong ito ay ililipat sa Maynila upang maiwasan ang conflict of interests kung sa Mindanao gagawin ang pagdinig sa kaso.
Ayon sa kalihim, posibleng ito na ang pinakamalaking kaso ng pyramiding scam sa bansa.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang NBI sa International Criminal Po lice Organization o Interpol at Malaysian Embassy sa Pilipinas para matunton ang ‘utak’ ng pyramiding scam na si Manuel Amalilio, CEO ng Aman Futures Group Inc., isang Malaysian.
Sinabi ni NBI Director Nonnatus Rojas na nagpadala na sila kahapon ng notice sa Interpol at Malaysian Embassy at ipinaalam nila na si Amalilio ay nasampahan na ng rek lamo sa Pilipinas.
Sa oras na kumpirmahin ng mga otoridad sa Malaysia na naroon nga sa kanilang bansa si Ama lilio ay hihilingin naman nila na maipa-deport ito sa Pilipinas.
Walang umiiral na extradition treaty o mutual legal assistance treaty sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia kaya aminado si Rojas na hindi nila agad mahihiling ang pagpapadeport kay Amalilio dahil wala pa namang naiisyu na warrant of arrest laban sa kanya.
Kaugnay nito, tiniyak ng Malacañang na mananagot ang mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayang ginamit ang pondo ng gobyerno sa Aman pyramiding scam.
Sinabi ni Budget Sec. Florencio Abad, nakumpirma nilang ilang local officials ang naging biktima pero inaalam pa nila kung pondo ba ito ng gobyerno o personal na pera ng mga opisyal.
Umaabot sa P12 billion ang nakulimbat ng grupo mula sa mga ordinaryong tao, religious groups, mga pulitiko, propesyunal at maging mga financial analysts.