Bersiyon ni Drilon kinontra ng tobacco farmers

MANILA, Philippines - Kinontra kahapon ng mga magsasaka ng tobacco ang bersiyon ng sin tax bill ni Sen. Franklin Drilon na naglalayong makalikom ng nasa P40 bilyon hanggang P45 bilyong karagdagang buwis mula sa alak at sigarilyo dahil tiyak umanong maaapektuhan ang kanilang hanay.

Ayon sa PhilTobacco Growers Association (PTGA), ang mga mumurahing brand ng sigarilyo na gumagamit ng lokal na tobacco ang papasan ng pinakamataas na buwis na aabot sa 341 porsiyento sa unang taon at halos 1,000 porsiyento sa ikatlong taon base umano sa substitute bill ni Drilon.

Ikinatuwiran ng PTGA na mismong si Sen. Panfilo Lacson na isa sa mga nagsusulong ng tax increase sa tobacco at alcohol products ay nagpahayag sa negatibong epekto ng panukala dahil umabot sa 65 porsiyento ang share sa local market ng mga low-priced at hand-rolled na sigarilyo.

Mula sa P2.72 na ipinapataw sa mga low-priced brands, gagawin na itong P12 per pack.

“Kapag ganito ang nangyari, mawawala na ang merkado para sa murang sigarilyo, kaya sino pa ang bibili ng tabako namin, gayong malaking bahagi ng naibebenta namin ay binibili ng mga gumagawa ng low-priced brands,” sabi ni PTGA president Saturnino Distor.

Sa substitute bill ni Drilon, umaaktong chairman ng committee on Ways and Means matapos magbitiw si Sen. Ralph Recto, nais nitong makakolekta ng P26.8 bilyon mula sa sigarilyo; P7.1 bilyon sa distilled na alak at P12.5 bilyon sa mga fermented liquor tulad ng beer.

Muling nanawagan si Distor sa Senado na ikonsidera ang kalagayan ng mga magsasaka ng tobacco at ng kanilang pamilya.

Dapat din anyang tingnan ng mga senador kung bakit mistulang mas napapaboran ang alcohol industry kaysa sa tobacco industry sa kuwentahan ng ipapataw na bagong buwis.

 

Show comments