NLEX rumesbak sa Blackwater
MANILA, Philippines — Nakabalikwas agad ang NLEX matapos kaldagin ang Blackwater, 107-95, sa pagpapatuloy ng 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Sumakay ang Road Warriors sa mainit na ratsada sa third quarter upang ipagpag ang makulit na Bossing at maiganti ang 114-87 kabiguan nito kontra sa NorthPort kamakalawa tungo sa 1-1 kartada.
Matapos ang 29 puntos at 19 rebounds na performance sa kanyang PBA debut, nagpasiklab uli si import Mike Watkins sa double-double na 26 puntos at 25 rebounds sahog pa ang 1 assist at 3 tapal sa 45 minutong aksyon.
Sumuporta sa kanya ang ace guard na si Robert Bolick na kumamada ng 23 puntos at 10 assists pati na ang 5 rebounds at 2 steals.
May kontribusyon ding 14, 12 at 11 puntos sina Richie Rodger, Xyrus Torres at Enoch Valdez, ayon sa pagkakasunod para sa mga bataan ni coach Jong Uichico
Iniskor ni Bolick ang 11 sa kanyang total output sa third quarter, kung saan umalagwa ang NLEX sa 67-56 lead mula sa dikit lang na 55-54 na duwelo.
Lumamang pa ng hanggang 20 puntos, 100-80, ang Road Warriors tungo sa kumbisidong 12-point win.
Lagapak sa ikalawang sunod na pagkatalo ang Bossing matapos unang mabigo sa Magnolia, 118-110, sa kabila ng game-high na 40 puntos, 8 rebounds at 3 assists ni George King.
- Latest