MANILA, Philippines – Dinukot umano ng mga armadong lalaki ngayong Miyerkules ang tatlong Chinese nationals na naaresto kamakailan dahil sa pagkakasabit sa ilegal na droga.
Bitbit ang tatlong Chinese nationals ng mga provincial guards ng Cavite at dadalhin sana sa korte kung saan dinidinig ang kanilang kasong droga nang "dukutin" ng may 20 armadong lalaki sa Trece Martirez City bandang 10 ng umaga.
Nakilala ang tatlong Chinese nationals na sina Li Tian Hua, Wang Li Na at Li Lan Yan.
Ayon kay Calabarzon regional director Chief Superintendent Benito Estipona, kinuha ng mga armadong lalaki ang mga armas ng dalawang guwardya ng tatlong Chinese nationals bago sila tumakas sakay ng isang puting van na may plakang WTT-544.
Inabandona ng grupo ang sasakyan sa Baranggay Aguado sa nabanggit ding siyudad.
Inaalam pa kung ang mga armadong lalaki ay kagrupo ng tatlong suspek na Tsino.
Patuloy ang follow up operations upang mabawi ang tatlong suspek at makilala ang mga armadong lalaki.