Opisyal ng MNLF itinangging nakakuha sila ng 3 dayuhan sa ASG

MANILA, Philippines – Itinanggi ng isang nakatatandang opisyal ng Moro National Liberation Front (MNLF) ngayong Huwebes ang ulat na may nailigtas ang mga sundalo nila na tatlong dayuhang bihag ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa probinsya ng Sulu.

Sinabi rin ni Habib Mujahab Hashim, miyembro ng MNLF central committee at tagapangulo ng Islamic Command Council (ICC), na wala silang tagapagsalitang nagngangalang Emmanuel Fontanilla.

Sa isang panayam sa dzMM radio noong Miyerkules, sinabi ni Fontanilla na dalawang Swiss national at isang Dutch national ang nailigtas ng mga tauhan ng MNLF habang nakikipagbakbakan sa mga miyembro ng ASG sa kagubatan ng Patikul.

Sinabi pa ni Fontanilla na 23 miyembro ng ASG ang nasawi at anim pa ang kanilang nahuli.

“Hopefully it is true, but there is no such report of rescued foreign captives by the MNLF forces under Ustadz Habier Malik,” pahayag ni Hashim.

Ayon sa mga ulat, limang dayuhan ang bihag ng ASG sa Sulu kabilang sina Elwold Horn ng Holland at Lorenzo Vinceguerre ng Switzerland, Australyanong si Warren Richard Rodwell,  ang Jordanian journalist na si Baker Abdulla Atyani, at Hapon na si Japanese Toshio Ito.

Si Horn at Vinceguerre na kapwa wild birth watchers ay dinakip noong Pebrero 1, 2012 sa Tawi-Tawi; si Rodwell ay dinukot sa kanyang bahay sa Ipil, Zamboanga Sibugay noong Disyembre 5, 2011; si Atyani at dalawang Pinoy na kasama nito noong Hunyo 2012, habang noong Hulyo 2010 naman kinuha si Toshio.

Napalaya na ang dalawang kasama ni Atyani na sina Rolando Letrero and Ramelito Vela noong Sabado ng gabi, ngunit bigong mailigtas ng MNLF ang Jordanian journalist.

Sinabi pa ni Hashim na nasa kagubatan pa rin ng Patikul ang mga MNLF at nag aantay sa muling engkwentro nila ng ASG.

“We hope hostages are freed so that the tension between the two forces will ease down,” sabi ni Hashim .

Aniya, hindi pa rin bumabalik ang mga residente sa mga bahay nila dahil sa nananatiling tensyon sa pagitan ng dalawang grupo.

Show comments