Julian lumilihis sa tinahak na landas ng mga Estrada
Kung ang mga kaanak niyang nauna sa kanya ay naging mga action stars lahat, mukhang maiiba ng linya si Julian Estrada, dahil ang dating niya ay pang-matinee idol talaga. At iyong kanyang pelikula ngayong Relaks It’s Just Pag-ibig ay isa ngang young love story.
Siguro nga nasanay na tayo sa mga naunang Estrada na laging naka-jacket o kaya ay may wrist band. Pero si Julian, in style ang bihis at bagets na bagets ang dating. Bata pa naman kasi siya talaga. Pero mukhang sa itinatakbo ng kanyang career ngayon, magiging matinee idol nga siya.
Noong press conference nila ng Relaks It’s Just Pag-ibig, maraming mga miyembro ng entertainment press na naringgan namin ng magkakaparehong comment, “ang guwapo ni Julian”. Iyon lang naman ang kailangang marinig para masabi mo na ang isang star ay kakagatin bilang isang matinee idol.
Hindi rin naman tayo nakasisiguro, baka nga kung magkapagsimula na siya ay piliin din niyang maging action star later on. Kasi nga noong araw, may paniniwalang ang isang actor ay tatagal lamang kung papasok siya sa action movies. Mabilis kasing magpalit ng matinee idols. Samantalang ang mga action stars ay nagtatagal noon.
Pero iba na ang sitwasyon ngayon eh. Noong mawala si FPJ (Fernando Poe, Jr.) at nasundan din ng pagkawala ni Rudy Fernandez, parang nawala na rin sa uso ang action. In fact, nakakagulat pero maraming action pictures na ginawa recently na hindi talaga kumita kahit na malalaki pa ang stars. Ngayon, kung napapansin ninyo, ang pinag-uusapan ay matinee idols. At ang sinasabing nakagagawa ng malalaking hits na pelikula sa ngayon ay hindi na iyong mga action star kundi mga dramatic actors. Kaya nga sa palagay namin ay tama rin ang pagsisimula ni Julian, dahil mula sa pagiging isang matinee idol ay mas madaling makalipat sa drama na mukhang siyang gusto ng mga tao ngayon.
Saka drama ang uso kahit na sa TV. Bihirang-bihira namang gumawa ng action series sa telebisyon.
Goma bumuwelta kay Trillanes
Natawa kami, pero tama ang naging reaksyon ni Richard Gomez sa naging comment ni Sen. Antonio Trillanes na nagsabing “ang galing mong magsinungaling. Puwede kang artista.” Sabi nga ni Goma, “na-prejudge mo na kaming mga artista.” Susundan din namin iyon ng isa pang tanong, bakit ang mga artista ba ay nabubuhay sa pagsisinungaling?
Sabi pa ni Goma, “ang masasabi ko lang diyan, iyong gumagawa ng mutiny tapos susuko basta nahagisan na ng tear gas, puwedeng senador ng Pilipinas.”
Kung iisipin natin, bakit sinasabing sinungaling ang mga artista? Hindi ba mas maraming pulitiko ang nangangako ng matapat na paglilingkod at kaunlaran ng bayan ang masasabi mong nagsinungaling dahil sa nakikita nating ginagawa nila? Kung pagbabatayan natin ang mga lumalabas sa dyaryo araw-araw, lalabas na mas sinungaling ang mas maraming pulitiko kaysa sa mga artista.
Magre-react nga ang mga artista sa sinasabi nilang ganyan. Palagay namin nasa ayos lang na magbigay ng public apology rin sa isang hearing ng senado ang nagsabi ng ganyan na si Trillanes. Wala talaga sa ayos ang comment na iyon anumang isip ang gawin namin. At saka, hindi ba noong kumandidato siya nanghingi rin siya ng tulong sa isang movie producer?
- Latest