^

Punto Mo

EDITORYAL - Mga mandurugas na taxi driver sa NAIA

Pang-masa
EDITORYAL - Mga mandurugas na taxi driver sa NAIA

MABABANSAGAN na namang “worst airport” ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil­ sa panibagong kontrobersiya na kinasasangkutan ng mga driver ng accredited taxis na naniningil nang sobra-sobra. Nadiskubre ang 60/40 na hatian at sabwatan sa pagitan ng mga mapagsamantalang driver ng special accredited taxis at airport police. Nakakahiya ang pang­yayaring ito. Hindi pa rin nagkakaroon ng pagbabago sa NAIA.

Noong nakaraang taon nakaranas ng blackout ang NAIA at naatrasado ang pagdating at pag-alis ng mga eroplano. Maraming pasahero ang banas na banas sa nangyari.

Naging isyu ang mga ipis sa mga upuan sa NAIA na nakunan pa ng mga larawan ilang taon na ang nakararaan. May mga nangyaring pagnanakaw sa mga alahas ng asawa ng diplomat. Sino ang hindi makalilimot sa “tanim-bala” modus sa NAIA?

Noong nakaraang Marso, isang pasaherong babae na patungong Zamboanga City ang nakitaan umano ng bala sa bagahe nito. Pumalag ang babae at sinabing walang bala sa kanyang dala-dalahan. Hinalungkat ang bagahe ng babae at walang nakitang bala. Sinibak agad ni Department of Transportation (DOTr) Secre­tary Vince Dizon ang tatlong security personnel ng OTS. Nagbanta si Dizon na mananagot ang mga gumagawa ng tanim-bala.

Ngayon nga ito namang overcharging na ginagawa ng mga drayber ng taxi sa airport. Ito ang maliwanag na lantarang panghoholdap sa mga pasahero. Napaka­samang gawain na lalong magpapababa sa pagtingin sa NAIA. Imagine, kung sa pagsakay ng dayuhang turista sa mga taxi na nasa airport ay tatagain na sila ng sobra. Paano babalik sa bansa ang mga dayuhan kung sa NAIA pa lamang hinoholdap na sila.

Tama naman ang ginawa ni DOTr Secretary Dizon na binuwag agad ang special accredited taxis sa NAIA. Nadiskubre ni Dizon ang 60/40 na hatian at sabwatan sa pagitan ng mga mapagsamantalang driver ng special accredited taxis. Ayon kay Dizon, isang pasahero ang nagreklamo na siningil siya ng P5,000 mula NAIA terminal 1 patungo sa terminal 2 noong Hunyo 19. Naaresto ang taxi driver at ito ang nagbunyag sa 60/40 modus. Sinibak na ang limang airport police dahil sa extortion scheme. Sabi ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), nag-imbestiga na rin sila sa insidente ng overcharging.

Walisin ang mga nagsasamantala sa NAIA. Hindi dapat hayaan ang mga mandurugas sa airport. Matatakot ang mga dayuhan at turista at hindi na sila bibisita rito. Kawawa ang bayan!

NAIA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with