Lalaki sa U.S., may natagpuang lumalangoy na buwaya sa kanilang swimming pool!
ISANG hindi pangkaraniwang umaga ang sumalubong kay Edward McClamma ng Ponte Vedra Beach, Florida nang matagpuan niyang may malaking buwaya na palanguy-langoy sa kanilang swimming pool.
Sa gitna ng matinding init ng summer, tila nakahanap ng mapagpapahingahan ang naturang buwaya sa pribadong bakuran ni McClamma.
Ayon kay McClamma, paggising niya ay agad niyang napansin ang kakaibang anino sa ilalim ng kanilang pool. Nang lumapit siya, laking gulat niya nang makitang isang buwaya ang nagtatampisaw sa malamig na tubig.
Hindi na nag-atubili si McClamma at kinunan ng litrato at video ang buwaya.
Agad na tumawag ng tulong si McClamma at dumating ang mga tauhan ng Florida Fish and Wildlife Conservation Commission upang ligtas na mahuli at mailipat sa mas angkop na tirahan ang buwaya.
Hindi ito ang unang insidente ng ganitong uri ngayong tag-init; kamakailan lamang, isang baby alligator din ang natagpuan sa isang public pool sa North Carolina. Ayon sa Brunswick County Sheriff’s Office, inilipat din ang buwaya sa isang kalapit na ilog para sa kaligtasan nito at ng publiko.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa mga residente na mag-ingat at agad ipagbigay-alam sa kinauukulan kung makakakita ng mga ganitong uri ng hayop sa kanilang lugar.
- Latest