SENYALES na diumano nang pag-amin na nangunguluntoy na ang popularidad ng Marcos family sa pulitika. Ito ang dahilan kaya ipinagpipilitan ni Sen. Imee Marcos na muling mabuhay ang UniTeam sa pagitan nila ni Vice President Sara Duterte para sa 2028 election.
Sa mismong plenaryo ng Senado, ibinulalas ni Imee na ang dahilan ng paglalatag ng Kongreso ng impeachment complaints laban kay Sara ay upang hadlangan ito na makatakbong Presidente. Ayon kay Imee, hindi natitinag ang popularidad ni Sara.
Lumaki sa intriga ng pulitika si Imee at maraming naniniwala na ang mga senyales sa ikinikilos nito ay pagpapatotoo na hindi magiging Presidente si Bongbong kung hindi nakipag-isa sa kanila ang mga Duterte noong 2022 election.
Naging malaking ambag sa pagkapanalo nina Bongbong at Sara ang pakikialam nina Imee at dating President Gloria M. Arroyo. Mula sa mainit na isyu ng pang-aapi ni dating President Digong kay Vice President Leni Robredo na hindi niya ito kapartido.
Mas gusto noon ng PDP na si Bong Go ang tumakbong President at si Digong ang tatakbong Vice President. Pero dahil sa lumalakas na puwersa ng kampo ni Leni ay tinanggap na lamang ng kampo ng mga Duterte ang UniTeam nina Bongbong at Sara.
Tumakbong Presidente noon sina Leni Robredo, Isko Moreno, Manny Pacquiao at Ping Lacson. At malamang na kung hindi nabuo ang UniTeam nina Bongbong at Sara, nanalo si Leni.
Hanggang ngayon, hindi bumababa ang popularity ratings nina Sara at Leni. Maaring pag-isipan ng political strategists na lumikha ng bagong tema sa pulitika na kakagatin ng mga botanteng naghahanap ng bagong putahe.
Hagip na rin ng radar ng mga political operators at kapitalista bukod kay Sara at Leni ang mga antena nina Martin Romualdez, Bong Go at Risa Hontiveros.