“BAKIT ka naman nagsasalita ng ganyan pinsang Daniel?’’ tanong ni Makoy.
“Nararamdaman ko na Pinsan—wala nang lunas ang sakit ko—liver cirrhosis. Baka hindi na ako abutin ng isang taon.”
“Bakit ka nagkasakit sa atay? Hindi ka naman umiinom ng alak di ba?”
“Ewan ko nga Pinsan kung bakit nangyari ito.”
“Siyanga pala Pinsan, siya si Kikoy—dati nating kasamahan sa Saudi pero mas nauna siyang nag-finished kaysa sa’yo.”
“Kumusta Pareng Daniel,” bati ni Kikoy at kinamayan ito.
“Teka parang nakita nga kita Pare. Saang department ka ba sa kompanya natin?” tanong ni Daniel.
“Sa Documentation Section ako, Pareng Daniel—under ako ng mga American engineers.”
“Ah sa bagong building kayo—dun sa may bomb shelter ano?”
“Oo Pareng Daniel.”
“Nakarating ako sa department n’yo. Masarap ang buhay dun di ba? Pakape-kape lang ang mga Kano roon pero ang lalaki ng suweldo—inuuto ang mga Saudi.”
Nagtawa sina Kikoy ay Makoy.
“Teka nga pala, Makoy bakit bigla mo akong naalalang pasyalan?”
“Wala lang Pinsan. Tini-text nga kita pero hindi ka naman sumasagot—pinuntahan ka na namin.”
“Nagbago na ako ng number pinsan,” sabi ni Daniel at hinabol ang paghinga.
“Hindi ka naospital, Pinsan?”
“Naospital. Nang tapatin ako ng doktor na wala nang lunas, sinabi ko kay Jean—kay misis na iuwi na ako. Magagastusan lamang kami. Sa totoo lang, said na ang pera namin Pinsan. Yung naiuwi kong pera, sa pagpapagamot ko napunta…” tumigil sa pagsasalita si Daniel at hinabol ang hininga. Kinapa ang tagiliran at napapikit.
Makalipas ang ilang sandali ay nagsalita si Daniel.
“Di ba may ipinagtapat ako sa’yo nun Pinsan? Kapag pala mamamatay ka na, gusto mo nang ipagtapat ang lahat-lahat ng mga nangyari sa Saudi.”
“May ipagtatapat ka pa, Pinsan?” (Itutuloy)