‘Bigas’ (Part 17)
PAGKA-GRADUATE ng kolehiyo, nagtrabaho na agad ako kay Mam Chato bilang manager sa kanyang mga negosyo sa probinsiya. Ako ang namahala sa pagtatanim ng palay, mais at iba pa. Ako rin ang namahala sa rice mill at sa koprahan. Palibhasa’y sanay ako sa mga gawaing iyon kaya naging madali para sa akin. Kabisado ko ang lahat ng may kinalaman sa bukid.
Maganda ang naging tirahan ko. Kumpleto sa gamit. Mataas ang suweldo.
At ang pinakamaganda sa lahat, magkasama kami ni Katrina sa trabaho. Siya ang naging finance officer.
Magkahiwalay ang tirahan namin ni Kat pero nasa loob nang malaking compound. May kasamang maid si Kat sa bahay.
Tuwing hapon ay dinadalaw ko si Kat sa bahay niya.
“Hindi ka nagsasawa na lagi mo akong nakikita, Noel? Magkasama na tayo sa trabaho maghapon, tapos dinadalaw mo pa ako.”
“Hindi ako nagsasawa, Kat. Ang taong umiibig ay hindi nagsasawang makita ang kanyang minamahal.”
Hindi nakapagsalita si Kat. Tila nabigla siya.
“Mahal kita Kat. Sana mahal mo rin ako.”
“Mahal kita Noel,” sagot ni Kat.
Ako naman ang natulala. Ilang saglit akong natahimik.
Ganun kabilis ang pagtatapat ko at ganun din kabilis akong sinagot ni Kat.
Masayang-masaya ako!
(Itutuloy)
- Latest