^

Punto Mo

Kaninong kagustuhan ang dapat manaig?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

GUSTO ng siyam sa bawat 10 Pilipino na sagutin ni VP Sara ang mga impeachment charges laban sa kanya upang malinis nito ang pangalan sa mga alegasyon ng korapsyon at pagbabanta sa buhay ni President BBM. Ito ang resulta ng ginawang survey noong Mayo 2-6 ng Social Weather Stations. Pitong porsiyento lamang ang naniniwala na dapat ay balewalain ni Duterte ang isyu.

Sa kabilang dako, tila may mga senador, katulad ni Senate President Chiz Escudero, na ang gusto ay huwag matuloy ang impeachment. Sapantaha ito ng marami dahil dalawang beses nang ipinaurong ni Escudero ang pagbasa ng articles of impeachment.

Kung matutuloy man ang impeachment, naniniwala ang mga pro-Duterte na hindi rin ito magtatagumpay, dahil sabi nga ni Sen. Bato dela Rosa ay higit pa sila sa siyam na tututol dito.  Siyam lamang na senador ang hindi bumoto sa impeachment ay patay na ito.

Lumalabas dito ang banggaan ng kagustuhan. Gusto ng milyun-milyong Pilipino na matuloy ang impeachment, samantalang gusto ng ilang senador na huwag itong matuloy. Sa banggaan ng magkabilang-panig, sino ang dapat manaig? Siyempre, sasabihin ng mga tagapagsulong ng demokrasya na ang kagustuhan ng nakararaming mamamayan ang dapat manaig.

Ang demokrasya ay hango sa mga salitang Griyego na demos, ibig sabihin ay mamamayan, at kratos, ibig sabihin ay kapangyarihan. Kaya sa demokrasya, ang kapangyarihan ay hawak ng mga mamamayan. Ang kapangyarihang ito’y na-e-exercise ng mga mamamayan sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan, halimbawa, ng mga senador sa Senado at mga Kongresista sa Kamara. Dapat ang pinangangalagaan ng mga kinatawang ito’y ang kapakanan ng mga mamamayan na kanilang kinakatawan.

Pero ganito ba ang nangyayari sa ating demokrasya? Talaga bang ang pinuprotektahan ng ating mga kinatawan ay ang kapakanan ng nakararami at hindi ang kapakanan ng kanilang mga bossing o sarili?

Kung seseryosohin ng mga Senador ang demokrasya, dapat ay sundin nila ang kagustuhan ng siyam sa bawat sampung Pilipino at hindi ang kagustuhan ng isang tao o isang grupo. Tayo’y isang demokrasya na ang porma ng gobyerno ay republika kung saan ang kapangyarihan ng sobereniya ay nasa kamay ng mga mamamayan, pero ang kapangyarihang ito’y ipinagkatiwala sa mga kinatawan.

Ito ang malungkot sa ating demokrasya at republika. Tila nasa papel lang ang tinatawag na kapangyarihan ng mga mamamayan, sapagkat sa totoong buhay, ang nakapangyayari at naghahari-harian ay ang mga kinatawan na dapat ay kumakatawan sa atin at nagtatanggol sa ating mga kapakanan.

Ang ganda ng tawag natin sa ating mga kinatawan, mga public servants, mga alipin ng mamamayan. Dalawang libong taon na ang nakakaraan ay ito na ang pinalaganap ni Hesus na konsepto ng liderato. Ayon kay Hesus, ang tunay na lider ay dapat maging alipin ng lahat.

Ganito ang sabi Niya sa Marcos 9:35, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Sana’y maging ganito ang ating mga kinatawan—mga tagapaglingkod, sa halip na pinaglilingkuran.

Gusto kong matuloy ang impeachment para mabigyan ng pagkakataon si VP Sara na linisin ang kanyang pangalan kung talagang wala siyang kasalanan, para lumabas kung ano ang katotohanan. At higit sa lahat, para patunayan na buhay pa rin ang demokrasya sa Pilipinas!

CHIZ

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with