Lalaki na kayang magbalanse ng upuan sa kanyang baba, nakatanggap ng Guinness World Record!
MULING napasakamay ni David Rush ng U.S. ang Guinness World Record para sa “Longest Duration Balancing a Chair on the Chin” matapos niyang balansehin ang isang silya sa kanyang baba (chin) sa loob ng 1 oras, 20 minuto at 30 segundo.
Nahigitan niya ang dating record na 1 oras, 19 na minuto at 17 segundo na naitala noong 2021 ng Spanish record holder na si Christian Roberto López Rodríguez.
Ginawa ni Rush ang kanyang matagumpay na record attempt sa West Boise YMCA sa Idaho, gamit ang isang adult-sized patio chair na may timbang na 4 libs at taas na 31.5 inches. Ang estratehiya niya ay itagilid ang silya at ipatong ang likurang bahagi nito sa kanyang baba habang nakatingala.
Sa kabila ng ilang muntik na pagbagsak ng silya, napigilan niya itong mangyari. Nang maabot na niya ang oras na kailangan para mabawi ang rekord, nagdiwang si Rush habang patuloy pa ring binabalanse ang silya sa kanyang baba.
Si Rush, na may mahigit 180 Guinness record titles, ay kilala sa paggamit ng mga pangkaraniwang bagay para sa mga pambihirang world record challenges.
- Latest