Florcerfida (21)
“ANG laki ng nakuha mong separation pay Kikoy—milyones,” sabi ni Makoy.
“May magagamit na akong puhunan sa negosyo, Makoy.”
“Tama ‘yun, Kikoy.”
“Ikaw di ba balak mo ring magnegosyo, Makoy?”
“Oo. Balak ko magtayo ng lugawan diyan sa harap ng bahay ko. Palagay ko, papatok. Si misis kasi, mahusay magluto ng lugaw ‘yan. Kaya may posibilidad na magklik dito. Isa pa, parami nang parami ang mga nagtatayo ng shop dito sa Damong Maliit. Gaya ng aircon shop diyan sa tapat. Daming customer diyan. Kaya papatok din ang lugawan ko dahil dito sila kakain.”
“Tama ang naisip mo Makoy.”
“Pinag-aralan na namin ni Misis, Kikoy ang negosyo kaya hindi na kami mangangapa. Katunayan, bumili na ako sa Saudi ng ilang gamit. ‘Yung malaking lutuan ba? Matibay dahil gawang Spain. May nabili na rin akong iba pang mga gamit gaya ng mga kawali at iba pa. Mura lang ang bili ko roon ng mga gamit Kikoy.”
“Tama ang ginawa mo, Makoy. Palagay ko, uunlad ang negosyo mo.”
“Salamat Kikoy. E maiba ako ng usapan, ano bang nangyari at hindi ka na nakabalik sa kompanya natin sa Saudi? Marami sa mga kasamahan natin ang nagtatanong. Meron ngang isa na nagtanong sa akin kung bakit hindi ka na nakabalik. Sagot ko naman e wala akong alam. E bakit nga ba Kikoy?”
“Pinagtaksilan ako ng ka-live in ko Makoy. Masakit mang aminin pero pagbalik ko galing Saudi, nagsasama na pala ang dalawa. Ang masakit, pati ipon ko, natangay. Pagkatapos nun, nagkasakit ako. Akala ko madededo na ako. Mabuti at nakarekober ako. Ang isang kabutihan, wala kaming anak. Matindi ang nangyari sa akin Makoy.”
“Mabuti at nakayanan mo.”
“Awa ng Diyos.” (Itutuloy)
- Latest