EDITORYAL – Karahasan sa election

WALANG nangyaring election sa Pilipinas na hindi nahaluan ng karahasan. Sa kabila na sinabi ng Philippine National Police (PNP) na magiging tahimik ang election at nangako naman ng zero casualty ang Commission on Elections (Comelec), mayroon pa ring mga namatay at nasugatan.
Nakapagtala ng 10 patay at 15 sugatan ang PNP habang dinaraos ang election noong Lunes. Pero sabi ni PNP chief Gen. Rommel Marbil, sa kabila ng karahasan, mapayapa pa rin sa kabuuan ang idinaos na election. Nagsimula ang election ng 5:00 a.m at natapos ng 7:00 p.m.
Nagkaroon ng kaguluhan sa Lanao del Sur, Negros Occidental, Zamboanga del Sur, at Basilan. Pawang pananambang sa kandidato sa araw ng election ang naganap. Mayroong dalawang poll volunteers na pinagbabaril. Dalawang political rivals ang nagbarilan habang sinasagawa ang election.
Isang araw bago idaos ang election, sinabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia na magiging maayos at mapayapa ang elections. Siniguro niya na walang magaganap na anumang kaguluhan.
Ang sinabi ng Comelec ay siniguro naman ng PNP. Wala umano silang namo-monitor na seryosong banta sa seguridad kaya nakatitiyak na magiging mapayapa ang gaganaping election. Pero sabi ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo hindi pa rin sila nagkukumpiyansa at patuloy ang kanilang intelligence gathering. Patuloy umano ang kanilang pagbabantay habang idinaraos ang election.
May mga naganap na karahasan noong Lunes subalit mas mabigat pa rin ang mga nangyaring karahasan sa election noong 1995 at 2007 kung saan ang mga guro ang nagbuwis ng buhay. Ngayong 2025 elections walang gurong nadamay.
Namatay noong 1995 elections ang gurong si Filomena Tatlonghari ng Mabini, Batangas nang pagbabarilin ng mga armadong lalaki habang pinuprotektahan ang ballot boxes. Noong 2007 elections, namatay naman ang gurong si Nellie Banaag ng Taysan, Batangas nang sunugin ng mga armadong lalaki ang kanyang polling precinct. Itinuring na mga bayani ng election ang dalawang guro na hanggang ngayon, patuloy na inalala ang nagawa para maprotektahan ang mga balota.
Laging saklot ng karahasan ang eleksiyon sa Pilipinas. Ang kahandaan ng PNP sa tuwing may eleksiyon ang nararapat. Sila ang nararapat magpanatili ng kaayusan at tiyakin na walang masasayang na buhay dahil sa kaguluhan.
- Latest