‘Krusipiho’ (Part 3)
NANG kunin ni Lolo Fernando ang inukit niyang krusipiho ng nakapakong Kristo at ipakita sa akin, hindi ako makapaniwala sa nakita. Napakaganda ng krusipiho na kasinglaki ng mga nakakuwintas sa pari o obispo. Napakakinis at napaka-pulido ng pagkakaukit.
“Hawakan mo Crispin,’’ sabi sa akin ni Lolo at inilagay sa palad ko ang krusipiho. Nakadama ako ng kasiyahan nang madama ang krusipiho. Para bang may nanulay na lakas o kuryente.
“Ang ganda Lolo—napakakinis!” sabi ko habang hawak ang krusipiho.
“May nadama ka ba nang madikit sa palad mo?’’
“Meron po—parang kuryente!”
Napatangu-tango si Lolo Fernando at kinuha sa palad ko ang krusipiho.
“Ito ang pinakauna at pinakamaganda kong nagawa, Crispin.”
“Napakahusay mo Lolo. Baguhan ka lamang nang gawin yan pero parang isang prospesyunal na ang gumawa.”
“Alam mo nang ginagawa ko ito parang may gumagabay sa akin. Napakagaan na ukitin ng kahoy na mabolo kaya saglit lamang ay natapos ko. Nagtaka ako dahil ang mabolo ay matigas na kahoy.”
“Di po ba ang mabolo ay kamagong, Lolo?’’
“Oo.”
“Gaano mo po kabilis natapos ang krusipiho?”
“Isang oras lamang!”
“Napakabilis po!”
“Nagtataka nga ako kung bakit napakabilis kong nagawa.”
“Meron ka pong pinagtularan habang inuukit ang krusipiho?”
“Wala! Basta tuluy-tuloy lang ang pag-ukit ko.”
“Nakakahanga Lolo!”
“Oo, Crispin. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ganun ko kabilis na nagawa ang krusipihong ito.”
“Hindi mo binalak ipagbili, Lolo. Mahal sigurado yan kung ipagbibili.”
“Hindi. Wala akong balak ipagbili. Kahit gaano pa kamahal ang tawad.” (Itutuloy)
- Latest