Ticket mula pa noong 1940, nagamit sa Osaka 2025 Expo!
ISANG kagila-gilalas na kuwento ang naging usap-usapan noong Mayo 5, nang magamit ng isang lalaki mula Tokyo, Japan ang isang ticket para sa World Expo na nakansela dahil sa giyera, 85 taon na ang nakalilipas.
Si Fumiya Takenawa, 25, ay nakapasok sa Expo 2025 sa Osaka gamit ang orihinal na ticket para sa “2600 Japan International Exposition,” isang world expo na sana’y ginanap sa Tokyo noong 1940.
Ang expo ay nakansela dahil sa World War II, dahilan kung bakit tinagurian itong “phantom expo”.
Si Takenawa ay isang kolektor ng mga memorabilia mula sa mga lumang expos, at isa sa kanyang paborito ay ang iconic na “Tower of the Sun” mula sa Expo ‘70 sa Osaka.
Noong Marso, habang nagpapahinga sa kanilang tahanan sa Osaka Prefecture, nakakita siya ng authentic na tiket para sa 1940 expo na ibinebenta online. Bilang isang kolektor, una niya itong ginawang pang-display sa kanilang bahay, hanggang sa maisipan niyang mag-inquire sa mga organizer ng Expo 2025 kung maaaring gamitin ang lumang tiket.
Sa kanyang pagkagulat, pinayagan siyang gamitin ito. Agad siyang nagtungo sa expo grounds at bumisita sa mga pavilion ng Czech Republic at Saudi Arabia. Aniya, “Ito ang unang expo na nadaluhan ko, at pakiramdam ko’y naging bahagi ako ng kasaysayan. Ang mga expo tulad nito ay paalala ng pagkakaisa. Sa pagkakagamit nitong lumang ticket, para bang natupad na rin ang pangarap ng original owner ng ticket na ito na makadalo sa isang expo.
Noong 1938, tinatayang isang milyong ticket books ang naibenta para sa dapat sana’y 1940 expo. Bawat booklet ay may 12 ticket at nagkakahalaga lamang noon ng 10 yen na katumbas ng humigit-kumulang 17,000 yen (P6,400 sa kasalukuyan).
Sa kasaysayan, libu-libong mga lumang tiket mula 1940 ang ginamit noon sa Expo ‘70 sa Osaka, at halos 100 tiket naman ang ipinagamit sa Aichi Expo noong 2005.
- Latest