Pang-aabuso ng mga Chinese sa Pilipinas
KINATATAKUTAN natin ang maaring gawing pananakop ng China sa bansa natin samantalang ang karamihan sa ibinoboto natin upang pamahalaan tayo ay walang ginagawa kundi pagsamantalahan lamang tayo.
Talagang matutuksong magbenta ng kaluwagan sa mga negosyanteng Intsik ang mga lider ng bansa natin dahil sa laki ng ginagastos nila tuwing eleksyon. Mga Intsik din ang nakakapamili ng magagandang lokasyon para pagtayuan ng kanilang negosyo kahit ang mga lupain ay protektado ng batas ukol sa karapatan ng mga magsasaka.
Maluwag na nakakapasok ang mga Intsik at legal nakakakilos dahil nakakabili na rin sila ng citizenship dahil sa katakawan sa pera ng ilang mga opisyal ng Bureau of Immigration and Deportation (BID). Araykupo!Ipinaglalaban natin ang ating kasarinlan sa karagatan na iginawad sa atin ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na West Philippine Sea (WPS) noong 2016. Si dating President Noynoy Aquino lang ang gumising sa natutulog nating karapatan sa noo’y tinawag na South China Sea.
Nang umupo si dating President Digong Duterte ay ginulantang tayo sa bumahang investments ng China kasabay ang pagsulpot ng higanteng mga POGO at pagpasok ng mga illegal Chinese workers. Naging palasak na ang panghihimasok ng Chinese Coastguards sa WPS at ipinagtabuyan maging ang mga mangingisda natin.
Nabisto ang mga illegal activities sa loob ng mga POGO hub na kinasangkutan pa ni dating Malacañang Spokeperson Atty. Harry Roque na ngayon ay nagtatago na. Sabit din umano si Roque sa kinamkam na lupain ng mga magsasaka sa Mariveles, Bataan. Aba’y bigla nga bang yumaman si Atorni?
Malaki rin naman ang naging kontribusyon ng sinaunang mga Intsik na dumayo sa ating bansa upang mamuhunan. Nakapagbigay sila ng trabaho at nakapagturo ng maraming paraan sa pagpapalago ng kabuhayan. Pero ngayon, ibang usapan na ang nakapaloob. Katusuhan!
Kahit sa Europa at U.S. ay malawak na ang impluwensya ng mga negosyanteng Intsik na lubhang ikinababahala ng kanilang gobyerno. Nalulukuban na sila ng teknolohiya at komersiyong hatid ng mga Intsik sa kanilang bansa. Agresibo ang mga Intsik sa pamumuhay pero hindi mayabang.
- Latest