High school teacher, nakatanggap ng Guinness World Record dahil sa talento sa pagbuga ng apoy!
ISANG high school teacher sa Shakopee City, Minnesota ang opisyal nang Guinness World Record holder matapos magpakita ng kahanga-hangang fire breathing skills.
Si Raederle Sterling, 38, ay nagtala ng bagong world record para sa “most flames blown in 30 seconds (fire breathing)” matapos makabuga ng 68 beses noong September sa isang event sa Minnesota.
Ayon kay Sterling, hindi niya sinadyang habulin ang record. Habang nag-eensayo ng bagong technique kasama ang kanyang fire troupe, napansin niya na nakakabuga siya nang maraming apoy sunod-sunod habang nakaayon sa ritmo ng musika.
Doon niya naisipang tanungin kung ano ang kasalukuyang record at laking gulat niya na halos naabot na niya ito.
Mahigit 20 taon na siyang professional fire performer, ngunit ngayon lang niya naisipang subukang itala ang kanyang kakayahan.
“Bilang isang ina at guro, gusto kong ipakita na kahit sino ay puwedeng magtagumpay at makamit ang ganitong klaseng pagkilala,” ani Sterling.
Sa kanyang record breaking attempt, ipinakita ni Sterling ang angking galing kung paano niya naililipat ang apoy gamit ang daliri, napapatay ito gamit ang bibig sa pamamagitan ng pagputol ng oxygen, at kung paano siya nakakapagsindi ng baton gamit ang kanyang dila.
Bagaman kahanga-hanga ang kanyang talento, paalala ni Sterling: “Dangerous ito. Never do this at home.”
Ipinagmamalaki rin niyang ibahagi ang kanyang accomplishment sa mga estudyante.
“Isa ito sa mga bagay na gusto kong ibahagi sa kanila, na ang kanilang guro ay may kakayahang lumampas sa inaakala ng karamihan,” sabi niya.
- Latest