^

Punto Mo

Biyaheng kalawakan pangmayaman pa rin

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Pampaganda lang sa imahe ng tinatawag na space tourism iyong 11 minutong biyahe sa kalawakan ng isang grupo ng mga babae na kinabibilangan ng American singer na si Katy Perry lulan ng isang spacecraft ng pribadong space company sa United States na Blue Origin noong Abril 14, 12025.

Pero hindi naman umabot sa aktuwal na labas ng daigdig ang grupo ni Perry dahil suborbital lang ang kanilang biyahe. Hindi sila umabot sa tinatawag na low earth orbit o sa high earth orbit pero, para sa Western media, ito ang unang spaceflight na puro mga babae ang sakay sa loob ng 60 taong kasaysayan ng space exploration ng sangkatauhan.

Naranasan lang nilang lumutang-lutang habang tumatawid ang spacecraft sa Karman Line kahit hindi sila nakalibot sa buong kapaligiran ng Earth. Ang Karman line ay isang hindi nakikitang linyang nakapagitan sa atmospera ng daigdig at ng outer space. May taas ito na 80 hanggang 100 kilometer above mean sea level.

Napakamahal nga lang ng ganitong klase ng pamamasyal sa kalawakan na depende pa kung saang bahagi ng orbit ng mundo ang iyong destinasyon. Daan-daang libong dolyar kung sa suborbit ka lang na napakabilis at saglit lang pero milyun-milyong dolyar na ang babayaran kung low earth orbit (LEO) na ang iyong destinasyon na maaaring tumagal nang ilang araw o buwan. At sa dolyar pa lang ito. Paano pa kung sa peso na pera ng Pilipinas?

Kailangang napakayaman mo na para lang maranasan ang pakiramdam ng nasa kalawakan at mamalas ang kabuuan ng daigdig. Iba nga lang ang kaso ng mga astronaut na pinapadala sa kalawakan ng mga space agencies ng mga pamahalaan ng mga bansang may mauunlad na space mission.

Ang LEO ay bahagi ng kalawakan na napakalapit sa daigdig o may taas na hanggang 2,000 kilometro mula sa lupa. Nasa orbit na ito ang International Space Station, ang space station ng China, mga space shuttle at nararating ng mga astronaut. Wala pang tao na nakakarating sa High Earth Orbit na karaniwang nililiparan ng mga satellite. Ibang kaso iyong mga astronaut ng Apollo mission na hindi naman tumigil o nanatili sa HEO kundi dumiretso lang sa buwan noong hulihan ng dekada 60 at unahan ng dekada 70.

Gayunman, dumarami na ang mga taong nakakarating sa kalawakan bagaman hanggang LEO lang sila. Maaaring hindi pa dito nabibilang itong grupo ni Perry pero, ayon sa ulat ng TASS na ibinahagi ng Philippine News Agency kamakailan, umaabot na sa 623 indibidwal na tao ang nakarating sa naturang karman line na masasabing bahagi na ng kalawakan.

Kabilang na rito ang mga asgtronaut, space tourist, researcher, at scientist. Mas mataas naman ang bilang nito sa datos ng WorldSpaceFlight, ng mga spaceflight tracker at United States Air Force na umaabot na sa 727 katao ang nakapaglakbay sa kalawakan.

Nangunguna ang United States na meron nang 369 astronaut ang naipadala sa kalawaklan, sumunod ang Soviet Union at Russia (138 cosmonaut) at pangatlo ang China (24). Kabilang pa sa mga nakapagpadala ng tao sa kalawakan ang Japan (14), Germany (13), Canada (11), France (10), Italy (8), Saudi Arabia (3), at tigalawa mula sa Belgium, Bulgaria, United Kingdom, Israel, the Netherlands, UAE at Sweden. Meron ding mga nagmula sa India, Vietnam, Kazakhstan, Brazil, at South Africa.

-oooooo-

Email: [email protected]

KATY PERRY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with