EDITORYAL - Dumami ang nagugutom?
Kataka-taka na dumami raw ang nagugutom. Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 35.6 percent ang mga nagsabing sila ay nakaranas ng gutom. Ginawa ang surbey noong Marso 15-20, 2025, sa pamamagitan ng face-to-face interviews.
Totoo kaya ang survey na dumami ang nakaranas ng gutom? O hindi naman talaga nakararanas ng gutom ang mga pamilyang Pinoy? Mahirap paniwalaan ito lalo’t may mga ayudang ipinamamahagi ang pamahalaan. Kung totoo ang survey na tumaas ang porsiyento ng mga nagugutom, balewala pala ang pagsisikap ng pamahalaan na mabigyan ng tulong ang mga naghihikahos na pamilya.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nangangasiwa sa pamimigay ng ayuda sa mga maralita. Kaya nakapagtataka kung paanong tumaas ang porsiyento ng mga nagsasabing sila ay nakararanas ng gutom.
Bukod sa Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na ipinagkakaloob sa mga mahihirap, may mga food stamp program na inilunsad ang DSWD. Nagsimula ang food stamp program noong 2023. Kakaiba kaysa 4Ps, ang mahihirap ay pinagkalooban ng electronic benefit card na naglalaman ng P3,000 na halaga ng mga pagkain. Magagamit ang mga card sa mga awtorisadong tindahan, Kadiwa stores, groceries, at mga maliliit na supermarket.
Ayon sa DSWD, ang food stamp program ay may pondong $3-milyon na galing sa Asian Development Bank (ADB) at United Nations’ World Food Programme. Target ng pamahalaan na mabiyayaan ng programa ang isang milyong pamilya na lubhang salat sa pagkain. Ang programa ay tugon sa hangarin ni President Ferdinand Marcos Jr. na malutas ang dinaranas na kagutuman ng mga mahihirap na Pilipino. Target ng pamahalaang Marcos ang “Walang Gutom 2027”.
May nakararanas pa nga ba ng gutom kung ganitong may ipinagkakaloob na ayuda ang pamahalaan? Talagang mahirap paniwalaan ang surbey na may nagsabing nakaranas sila ng gutom. Siguro ang mga nagsabing nakaranas sila ng gutom ay ‘yung hindi isinasaayos ang ipinagkaloob ng pamahalaan.
Bakit may mga pamilyang nakararaos nang maayos dahil sa 4Ps? May mga benepisyaryo ng 4Ps na ang anak ay nagta-top sa licensure examinations. Katulad ni Jayvee Fuentebella ng Bacolod na nakakuha ng 95 percent sa Electronics Technician Licensure Examination kamakailan. Ang pamilya ni Jayvee ay beneficiary ng 4Ps. Ginamit nina Jayvee nang maayos ang nakukuha sa 4Ps. Hindi na sila magugutom kahit kailan dahil magkakaroon na ng trabaho si Jayvee.
Tularan sana ang pamilya nina Jayvee ng iba pa. Turuan din naman ng pamahalaan ang mga beneficiaries na paunlarin ang sarili upang hindi na umasa ng ayuda habambuhay.
- Latest