^

Punto Mo

Internet lumilikha ng ilusyong pandaigdigan

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Kung minsan, nakakapagpaisip na kahit sinasabing pandaigdigan ang internet tulad ng pinahihiwatig sa sistema nitong WWW (World Wide Web) sa pagbubukas halimbawa ng mga website,  browser, social media, links, at iba pa, hindi pa rin naman lubusang kunektado dito ang buong mundo.

Meron pa rin itong mga limitasyon at kahinaan na humahadlang sa malayang pag-uugnayan ng mga tao sa iba’t ibang bansa kahit 42 taon na itong pinakikinabangan ng sangkatauhan.

Nagsimula lang bilang pangmilitar na pasilidad sa U.S. noong 1960s pero opisyal na isinilang at nagbukas sa publiko noong 1983 ang internet na nagagamit ng lahat ng mga bansa sa mundo sa iba’t ibang larangan tulad sa negosyo, edukasyon, komunikasyon, pananaliksik, transportasyon, nabigasyon, pulitika, ekonomiya, kultura, agrikultura, kalakalan,  diplomasya, agham at teknolohiya, medisina, seguridad at  libangan.

Pero dahil nga merong limitasyon, hindi lahat ay malayang makikita sa internet ng sino man.  Kung narito ka sa Pilipinas o nasa U.S. ka o ibang mga bansang merong tinatawag na Western influence, hindi malayang makikita o mabubuksan ang mga website o social media sa China, Russia, North Korea, Saudi Arabia at Iran.

Kung naroon ka naman sa alin man sa mga huling bansang nabanggit, hindi mo rin mabubuksan ang website ng mga nasa Western countries tulad ng sa United States at Europe.

Bawat bansa kasi ay lumikha ng sarili nilang kontrol o imprastuktura sa internet. Ang China ay merong Great Firewall na nagsara ng daan patungo sa mga western website na tulad ng Google, Facebook at Youtube. Nagtaguyod sila ng sarili nilang bersiyon nito tulad ng Baidu at WeChat.

Ang Russia ay may sariling browser na Yandex at VKontakte. Sini-sensor naman sa Middle East tulad sa Saudi Arabia at Iran ang mga website na nagmumula sa Western countries at bina-block ang mga ito kapag lumalabag sa kanilang pamantayan.

Kahit sa mga bansang itinuturing na bukas, hindi rin ganap na malaya ang daloy ng impormasyon. Sa tulong ng mga algorithm ng Google at Facebook, hinuhulaan ng mga plataporma kung ano ang nais mong makita—batay sa wika, lokasyon, at interes.

Kung gumagamit ka ng English sa Pilipinas, malabong bigla mong matagpuan ang isang website mula sa Gitnang Silangan, blog mula sa Tsina, o online forum sa Russia—maliban na lang kung sadya mo itong hahanapin o alam mo ang  tamang link o website address ng mga ito. Iyon ay kung naiintindihan mo ang lengguwaheng ginagamit nila sa kanilang website o social media.

May kinalaman din ang pulitika, kultura, at ekonomiya. May mga pamahalaang nais hadlangan ang impluwensiyang banyaga, habang ang iba naman ay pinipiling protektahan ang lokal na industriya at panatilihin ang datos sa loob ng bansa.

Ang resulta: isang pira-pirasong internet—tila mga isla sa dagat ng impormasyon, magkakaugnay sa ilang bahagi, magkakatunggali sa iba, at kadalasan ay walang pakialamanan.

Sa kabilang banda, may kontrol din ang malalaking korporasyon sa Western countries. Hindi man sila nagtayo ng literal na pader gaya ng ibang pamahalaan, hinuhubog naman nila ang pananaw ng publiko sa pamamagitan ng mga algorithm na inuuna ang kita at pansariling interes.

Ang mga nilalaman na ating nakikita, kiniklik, at ibinabahagi ay hindi basta-basta neutral—ito’y sinadyang pinili, inisponsor, at inayos upang manatili tayong naka-engganyo sa screen.

-oooooo-

Email: [email protected]

WWW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with