EDITORYAL — Kabaong Bus alisin sa kalye

NAKAPAGDUDUDA kung ginagawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang trabaho para masigurong ligtas ang mga pasahero ng bus. Ngayong araw na ito, inaasahang daragsa pa ang mga pasahero sa mga terminal ng bus para humabol sa paggunita ng Semana Santa sa kani-kanilang probinsiya. Tiyak na marami pang pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at sa Cubao bus stations. Kahapon, tambak ang pasahero sa dalawang bus terminal. May mga natulog na sa terminal para masigurong makakasakay.
Hanggang ngayong araw na lamang umano ang biyahe ng mga bus.
Sinasabi na ang pagbibiyahe sa pamamagitan ng bus ang pinakadelikado sa lahat ng uri ng transportasyon. Marami nang naitalang pagbangga at pagkahulog sa bangin ng mga pampasaherong bus. Karaniwang nawawalan ng preno ang mga bus. Mayroong human error kaya nadidisgrasya. Dahil sa maling pag-overtake, bumabangga sa sasakyan na nasa kabilang lane.
Kamakalawa, isang bus na galing Angat, Bulacan ang nawalan ng preno habang nasa North Luzon Expressway at binangga ang van at dump truck. Labintatlo ang nasugatan. Isinisisi sa bus driver ang insidente dahil sa maling pag-overtake. Unang nabangga ng bus ang van at ikalawa ang dump truck. Wala namang namatay sa banggaan.
Isa rin sa mga dahilan kaya bumabangga ang bus ay dahil lasing sa alak ang drayber at mayroon namang lango sa ipinagbabawal na droga. Ayon sa pamunuan ng PITX, regular na nagsasagawa ng drug tests sa mga bus driver. Ang mga magpopositibo sa paggamit ng droga ay posibleng matanggal sa trabaho.
Ayon sa report ng World Health Organizations (WHO), 1.3 milyong katao ang namamatay taun-taon sa buong mundo dahil sa aksidente sa kalsada. Sa Pilipinas, 32 katao ang namamatay araw-araw dahil sa aksidente sa kalsada. Ang mga malalagim na aksidente ay isinisisi sa mga walang disiplinang drayber na nagpatuloy na nagmaneho kahit nalalaman nilang may problema ang sasakyan.
Ipursigi naman ng Land Transportation Office (LTO) ang pag-educate sa mga kukuha ng driver’s license para hindi sila maging mitsa ng mga aksidente sa kalsada. Maraming nakakakuha ng lisensiya kahit ignorante sa batas trapiko.
Tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero ngayong panahon ng Semana Santa at iba pang okasyon na umuuwi sa probinsiya ang mamamayan. Maiiwasan ang malalagim na aksidente kung may sapat na kaalaman at nasa isip ang pag-iingat. Huwag hayaang maging kabaong ang mga bumibiyaheng bus.
- Latest