Pagbaha ng pakimkim at ayuda, lulugso naman ang ekonomiya
NAGKUKULANG na sa produksiyon ang magsasaka dahil sa pabagu-bagong klima, kaya asahan na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa palengke lalo na ang bigas at mga gulay.
Ang sobrang init ng panahon na sinisingitan nang malakas na bugso ng ulan ay nakakamatay ng mga halaman. Nababansot ang pagtubo ng mga gulay at naglalaglagan ang mga bulaklak ng mga punong mangga at iba pang prutas.
Ang pinakamalala sa lahat ay ang pagbaha ng pera mula sa mga pulitikong namimili ng liderato at boto ng mamamayan. Mawawala sa balanse ang pamumuhay dahil sa kakapusan sa produksiyon ng mga pangunahing bilihin, pero marami ang perang umiikot sa pamayanan.
Inflation po ang idudulot n’yan!
Magtataasan ang presyo ng mga agricultural products dahil sasamantalahin sa mga panahong ito ng mga biyahero ng mga gulay, prutas, karne, itlog ng manok, baboy at baka sa mga palengke. Mag-eenjoy ang mga smugglers. Sigurado ‘yan!
Pagkatapos ng hiyawan at lundagan sa napakinabang sa eleksiyon ay luhaang mamimili ang kahalili. Ginawa na kasing negosyo ng marami ang pulitika at pinamihasa naman natin na lamunin tayo nang maruming laro nito. Totoo ‘di ba?
Ang mga pangakong pagbabago at kasaganaan ng pamumuhay na idudulot ng mga pulitiko kapag naluklok sa puwesto ay isang panaginip lang. Bangungot sa kahirapan ang malamang na danasin ng mamamayan dahil hahanap muna ang mga ‘yan ng pagbabawian ng kanilang ginastos.
Hindi lamang artipisyal na kasaganaan ang hatid ng pera ng mga pulitiko tuwing eleksyon bagkus ay lumilikha rin ng malalang hidwaan na nauuwi sa kawalan lalo ng pagkakaisa ng mamamayan.
Maging magkakamag-anak at magkakaibigan ay pinapagitnaan na rin ng kademonyohan ng pulitika. Nababastos na nga pati ang banal na Diyos, di ba?
Malaking kuwestiyon din ang pakikialam ng iba’t ibang relihiyon sa pulitika gayung alam naman ng mga pamunuan ng kanilang simbahan na mas lumilikha ito ng hidwaan kaysa pagmamahalan. Totoong totoo ‘yan!
Idalangin natin sa Diyos na lumikha na umayon ang panahon sa pagtatanim ng mga magsasaka at gawaran nawa tayo ng kaligtasan sa lahat ng panahon. Amen!
- Latest